Nilagdaan na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. bilang isang ganap na batas ang Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Act sa Ceremonial Hall ng Malacañang ngayong Biyernes, Oktubre 18.
Ang ARAL Act ay kabilang sa priority measures ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) na may layuning lumikha ng national learning intervention program para makabawi sa ‘learning losses’ noong COVID-19 pandemic.
Sakop ng programa ang K to 10 learners, partikular na ang mga estudyanteng nagbabalik sa pag-aaral, may mababang proficiency level sa Reading, Mathematics at Science, pati na ang mga mag-aaral na bagsak sa mga pagsusulit batay sa pagsusuri ng kanilang mga guro.
Sa ilalim ng ARAL program, tututukan ng Department of Education (DepEd) ang kakulangan sa pagkatuto sa Reading at Mathematics ng mga mag-aaral mula Grade 1 hanggang 10.
Higit na kasanayan at kaalaman naman sa Science ang target sa mga estudyante mula Grade 3 hanggang 10 habang pagpapataas sa literacy and numeracy competencies ang tututukan sa Kindergarten.
Sa kanyang mensahe sa ceremonial signing, binigyang-diin ni Pangulong Marcos Jr. na edukasyon ang pinakamahalagang pamana na iiwan niya sa mga kabataang Pilipino.
“Walang materyal na bagay na makakatumbas sa halaga ng edukasyon. Ito ang huhubog sa inyong kakayahang harapin ang anumang hamon ng buhay at makapaglingkod nang tapat sa ating bansa,” saad ng Pangulo.
Ang tutorial session ng ARAL program ay libre at isasagawa sa tatlong flexible delivery modes: face-to-face tutorials, online tutorials, at blended learning approach sa tulong ng mga guro, para-teachers at pre-service teachers bilang tutors.
Ayon kay Pasig City Rep. Roman Romulo, isa sa principal author ng batas, magkakaroon ng dagdag na sahod ang mga guro at para-teachers na magiging tutor para sa programa bilang bayad sa kanilang serbisyo.
Ang serbisyo naman na ilalaan ng pre-service teachers kabilang ang mga estudyanteng kumukuha ng education degree ay maaaring magamit bilang ‘relevant teaching experience’ sa oras na mag-apply sila para sa plantilla position sa DepEd.
“Sa totoo po, marami pong teachers na ginagawa na ito [tutoring program] on their own. Ang teachers natin talagang makikita mo na may malasakit sa kanilang mga estudyante,” pahayag ni Rep. Romulo.
Pagtitiyak ng ahensya, magbibigay sila ng capacity-building training sa mga tatayong tutor ng programa para higit na mahasa ang kanilang interpersonal skills, social-emotional learning at cultural competency.
Ayon pa kay Pangulong Marcos Jr. ang mga donasyon at kontribusyon para sa pagpapalawak pa ng ARAL Program mula sa sinumang indibidwal o organisasyon ay hindi papatawan ng buwis.
“Any donation, contribution, or grant made to the ARAL Program through the DepEd—whether in cash or in-kind—shall be exempt from the donor’s tax and considered allowable deductions from the donor’s gross income,” saad ng Pangulo.
Bagaman sa mga pampublikong paaralan ipatutupad, bukas din sa mga pribadong paaralan ang pagsasagawa ng programa ayon kay DepEd Secretary Sonny Angara.
Naniniwala si Angara na malaking bagay ang pagsasabatas ng ARAL Program sa Bagong Pilipinas.
“[Ito’y] bagong programa at bagong pag-asa para sa ating mga learners na medyo naiiwan. Gusto natin na tulungan ang sistema,” saad ni Sec. Angara. -VC