
“Ako ang nagsimula nitong lahat. Ako ang magtatapos.”
Inihayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Biyernes na si dating Ako Bicol Party-List Kinatawan Zaldy Co at 17 iba pa ay may mga warrant of arrest matapos silang ma-indict sa kasong graft kaugnay ng katiwalian sa flood control.
Sa isang mensahe sa kanyang opisyal na social media account, sinabi ng Pangulo na inilabas na ang mga warrant of arrest laban kay Co at 17 iba pang indibidwal mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at Sunwest Corporation.
Ayon sa Pangulo, naghain any Office of the Ombudsman ang ng kaso laban kay Co at sa iba pa batay sa ebidensiyang nakalap ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) at ng DPWH.
“Hindi po ito haka-haka. Hindi po ito kuwento. Ito po ay tunay na ebidensya,” sabi ng Pangulo.
Binigyang-diin ni Pangulong Marcos na ipatutupad ng mga awtoridad ang mga warrant of arrest laban sa mga kinasuhan, at walang sinuman ang bibigyan ng espesyal na trato.
“At ang susunod na hakbang, wala nang paligoy-ligoy pa. Ang ating mga awtoridad, siyempre ipapatupad na nila itong mga arrest warrant na ito. Aarestuhin na sila, ihaharap sa korte, at pananagutin sa batas,” ayon sa Punong Ehekutibo.
“Walang special na pagtrato, walang sinasanto.”
Dagdag pa ng Pangulo, magpapatuloy ang imbestigasyon upang papanagutin ang mga taong iligal na kumita mula sa mga anomalya sa flood control at iba pang proyekto ng imprastruktura.
“Kaya’t asahan po ninyo na wala pong tigil itong aming ginagawa, kahit na parang napakatagal ang dumaan na panahon. Ako ay nagpapasalamat sa pasensiya ng ating mga kababayan ngunit nagbunga na ng resulta ang mga pasensiya ninyo,” pahayag ng Pangulo.
Sa kanyang Ika-Apat na State of the Nation Address noong Hulyo 28, kinondena ng Pangulo ang malawakang katiwalian sa mga proyekto ng flood control at itinatag ang ICI noong Setyembre 11 upang ipagpatuloy ang imbestigasyon sa mga iregularidad sa flood control at iba pang proyekto ng pamahalaan sa nakalipas na sampung taon. | PND











