
Mas mabilis at madali na ang pagbabayad ng pamasahe sa Manila Metro Rail Transit System o MRT-3 matapos ilunsad ngayong Biyernes, Hulyo 25, ang bagong cashless payment system ng Department of Transportation (DOTr), katuwang ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno at pribadong sektor.
Bilang tugon sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na paginhawain ang serbisyo sa mga pasahero sa pamamagitan ng digitalization, ipinakilala ng DOTr ang makabagong sistema na tumatanggap ng iba’t ibang cashless payment methods gaya ng:
- GCash Commuter QR Code
- NFC-enabled Android phones
- Debit at credit cards
Ayon kay Transportation Secretary Vince Dizon, hindi na kailangang pumila sa ticket counter para bumili ng single journey ticket.
Sa halip, maaaring direktang magbayad sa turnstiles gamit ang alinman sa nabanggit na payment options, walang dagdag na bayad at katumbas lamang ng regular na pamasahe.
Maliban sa pagiging mas mabilis at hassle-free, binigyang-diin ni Dizon na ang inilunsad na sistema ay “first of its kind in the world,” dahil pinagsasama nito ang iba’t ibang payment modes sa isang terminal, isang multiple fare media setup na tumatanggap ng QR codes, NFC, debit at credit cards sa isang device.
“Halos lahat ng payment modes pwede in one device. Ito ang tinutulak sa atin ng Pangulo na gawing convenient ang travel experience,” dagdag ng kalihim.
Ayon kay Dizon, naging posible ang makabagong sistema dahil sa pakikipagtulungan ng DOTr sa iba pang mga ahensya gaya ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), Department of Information and Communications Technology (DICT), Department of Trade and Industry (DTI), Landbank, GCash, VISA, at KentKart.
Samantala, inaasahang ipapatupad din ang parehong cashless payment system sa LRT-1 at LRT-2 sa mga susunod na buwan, katuwang ang RCBC.