Kasunod ng pagbaba sa pwesto ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr. inanunsyo ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Cesar B. Chavez ang nakatakdang panunumpa sa pwesto ng susunod na kalihim ng ahensya sa Martes, Oktubre 8.
Kinumpirma ni Chavez na mismong si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang magpapakilala sa bagong DILG Secretary.
Nauna nang sinabi ni Pangulong Marcos Jr. na dalawang indibidwal ang kanyang pinagpipilian upang pumalit sa posisyon ni Abalos sa DILG.
Ngayong Lunes, Oktubre 7, nagpasa na ng kanyang Certificate of Candidacy (COC) si Abalos para tumakbo bilang senador sa darating na 2025 National and Local Elections.
Nagpaabot din ng pasasalamat ang senatorial aspirant sa Pangulo para sa tiwalang ipinagkaloob sa kanya bilang lider ng DILG.
Kasama si Abalos sa kampanya ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas ng administrasyong Marcos Jr. kung saan iba’t ibang mga political party ang nagsama-sama kabilang ang Partido Federal ng Pilipinas (PFP), Nationalist People’s Coalition (NPC), Nacionalista Party, at Lakas–Christian Muslim Democrats (Lakas CMD). -VC