Inaprubahan na ng Metro Manila Council (MMC) ang bagong guidelines ng Metro Manila Development Authority (MMDA) para sa towing at impounding operations sa Metro Manila kasunod ng tumataas na bilang ng mga nagrereklamong vehicle owners sa mga towing companies.
Sa datos ng MMDA, nakatanggap sila ng 34 complaints hindi pa man natatapos ang taong 2024 na mas mataas kumpara sa natanggap na 29 na reklamo noong 2023.
Ipinunto ng ahensya na ang nakikita nilang dahilan kung bakit tumaas ang bilang ng reklamo ay dahil sa illegal towing, overcharging, misconduct ng mga nagto-tow, pagnanakaw ng ilang parte ng sasakyan, pati na rin ang pag-iiwan ng pinsala sa kanilang mga sasakyan.
Imbis na magkaroon ng iba’t ibang towing services company na accredited sa Metro Manila, sa bagong guidelines ng MMDA ay magkakaroon lamang ng isang towing service company ang limang sektor ng Metro Manila: North, East, West, South at Central.
Magpapatupad din naman ng bagong towing rate ang MMDA na dedepende ang presyo sa distansya kung saan ito mai-impound.
Para naman masiguro na magiging maayos at kalidad ang serbisyo ng mga towing services company sa publiko, inanunsyo ni MMDA Chairman Don Artes na magpapatupad ang ahensya ng demerit system.
“Meron tayo point system depende sa violation tapos pag naka hundred points na accumulated pwede na grounds po yan cancellation ng kanilang kontrata or accreditation dito po sa atin in which case hahanap po tayo ng bagong contractor na towing service. Ito po ay para mamake sure na susunod sa alituntunin natin at the same time ma-profesionalized po talaga which is primary purpose ng ating towing guidelines.” paliwanag ni Artes.
Inaasahang ipapatupad ang bagong guidelines sa susunod na taon.
Samantala, para naman sa mga mahuhuling stalled vehicle, bibigyan ng option ang mga ito na hindi madala ang kanilang sasakyan sa impounding area ng MMDA sa Tumana, Marikina.
“Siyempre hindi naman natin kagustuhan na tumirik yung ating mga sasakyan. Instead na automatic dalhin sa Tumana para i-impound, bibigyan po natin ng option yung driver o yung may-ari ng sasakyan na ihatid na lang sila sa bahay, mall, kung saan pwede sila mag-park o i-diretso sila sa talyer” ani Artes.
Samantala, pinag-aaralan na rin ngayon ng MMDA na gumawa ng isang resolusyon o ordinansa na magbabawal at magpapataw ng parusa sa mga nagre-reserve ng parking slot sa pamamagitan ng pagtayo sa parking space. -AL