IBCTV13
www.ibctv13.com

Bagong scholarship program ni PBBM para sa kolehiyo, inilunsad

95
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. on Friday led the rollout of major education initiatives under the “Programa para sa Buti ng Bayan at Mamamayan: Galing, Akses, Batid at Angat Tungo sa Yaman ng Bayan” or the PBBM-GABAY ng Bayan Programs at the Ilocos Norte Centennial Arena in Laoag City. (Photo from DepEd)

Tinupad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Biyernes ang pangako na magtatag ng college scholarship program para sa mga nangungunang senior high school graduates para magpakadalubhasa sila sa mga mahahalagang sektor na may kakulangan sa tao.

Sa kanyang mensahe na binasa ni House Majority Leader at Ilocos Norte 1st District Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos, binigyang-diin ni Pangulong Marcos na dapat inklusibo ang edukasyon sa paglulunsad niya ng Bagong Pilipinas Merit-Based Scholarship Program (BPMSP).

“Last year, during the State of the Nation Address, I committed to establishing a scholarship program for our top-performing graduates from both public and private senior high schools and from technical vocational institutions,” sinabi ng Pangulo sa programang ginanap sa Ilocos Norte Centennial Arena sa Laoag City.

(“Noong nakaraang taon, sa aking State of the Nation Address, nangako akong magtatag ng isang scholarship program para sa ating mga nagtapos nang may pinakamataas na karangalan mula sa pampubliko at pribadong senior high school at mula sa mga technical at vocational na institusyon.”)

“This way, they may pursue degree and technical vocational education and training. Diploma programs aligned with our country’s hard-to-fill and high-priority sectors. Today, we are fulfilling that promise,” dagdag ng Pangulo.

(“Sa ganitong paraan, maaari nilang ituloy ang kanilang edukasyon para sa degree sa kolehiyo at sa teknikal na bokasyonal na pagsasanay. Mga diploma programs na nakabatay sa mga prayoridad na sektor na mahirap punan. Ngayon, tinutupad natin ang pangakong iyon.”)

Kabilang ang scholarship program sa mga bagong inisyatiba para sa edukasyon na nilunsad ng Commission on Higher Education (CHED), Department of Education (DepEd), at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa ilalim ng Programa para sa Buti ng Bayan at Mamamayan: Galing, Akses, Batid at Angat Tungo sa Yaman ng Bayan o ang PBBM-GABAY ng Bayan Programs.

Sa pamamagitan ng BPMSP, ang nangungunang limang nagtapos ng bawat senior high school sa buong bansa, gayundin ang mga kwalipikadong nagtapos sa TESDA ng may national certificates, ay may pagkakataon na ituloy ang undergraduate degrees o ang technical or vocational education training (TVET) diploma programs sa alin mang high-performing unibersidad o technical-vocational na institusyon.

Ayon kay Pangulong Marcos, papasok ang mga iskolar sa mga programang naaayon sa mga natukoy na prayoridad na sektor, batay sa pangangailangan ng lipunan upang matugunan ang mga puwang sa pag-unlad ng bansa.

Hinimok ni Pangulong Marcos ang mga mag-aaral na sulitin ang mga oportunidad sa scholarship, dahil target ng BPMSP na magkaroon ng 20,000 scholars sa buong bansa para sa School Year 2026 hanggang 2027.

“But scholarships alone will not solve every barrier. We know that for many Filipino families, the first obstacle is access. And often, access begins with something basic – information,” ani Pangulong Marcos.

(“Ngunit hindi malulutas ng scholarship lamang ang lahat ng balakid. Alam natin na para sa maraming pamilyang Pilipino, ang unang balakid ay ang access. At madalas, ang access ay nagsisimula sa isang pangunahing bagay– impormasyon.”)

Sinabi rin ni Pangulong Marcos na ang bagong inilunsad na Project Patuloy na Edukasyon, Patuloy na Pag-Ahon (Project PEPA) ay isang nationwide caravan na magdadala ng malinaw at napapanahong impormasyon sa mga senior high school graduates mula sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) tungkol sa mga oportunidad na hatid ng gobyerno para sa edukasyon.

Target ng Project PEPA na makahikayat ng humigit-kumulang 490,000 senior high school graduates mula sa 4Ps na benepisyaryo na maaaring makapag-aral sa ilalim ng Tertiary Education Subsidy (TES) Program.

Pinuri rin ng Pangulo ang CHED-TANAW, ang bagong National Higher Education Data Visualization Platform ng CHED, na nagbibigay ng data tungkol sa mga institusyon, enrollment, scholarship, at graduate outcomes upang suportahan ang mga patakaran at pagpaplano na nakabatay sa ebidensya.

Binati rin ng Punong Ehekutibo ang mahigit 700 public school teachers na bagong na-promote sa ilalim ng Expanded Career Progression (ECP) System ng DepEd. Pinangunahan ni Representative Marcos ang panunumpa ng mga bagong na-promote na guro.

“Even as we build programs and platforms, we must recognize that none of this is possible without our teachers,” diin ng Pangulo.

(“Kahit na gumagawa tayo ng mga programa at platform, dapat nating tandaan na wala sa mga ito ang posible kung wala ang ating mga guro.”)

Ang mga hakbanging ito ay nagpapakita ng koordinado at pinagsama-samang aksyon ng administrasyong Marcos para sa reporma sa edukasyon sa lahat ng antas. | PND