Posible pang lumakas bilang isang Severe Tropical Storm (STS) ang bagyong Kristine bukas, Oktubre 23 kasabay ng inaasahang pag-landfall nito sa Isabela.
Batay sa weather advisory ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), as of 4:00 a.m. ngayong Martes, Oktubre 22 ay itinaas na ang kategorya ng bagyong ito bilang isang Tropical Storm.
Huli itong namataan sa layong 390 kilometro mula sa silangan ng Virac, Catanduanes taglay ang lakas ng hangin na aabot sa 65 kilometer per hour at pagbugsong 80 km/h habang kumikilos patungong kanluran sa bilis na 15 km/h.
Dahil dito itinaas na ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 1 sa ilang bahagi ng Luzon, Visayas, at Mindanao batay sa inilabas na Tropical Cyclone Bulletin ng PAGASA.
Suspendido na rin ang klase sa ilang mga paaralan sa bansa dahil sa bagyong Kristine.
Inaasahan naman na aabot ito sa kategoryang Typhoon sa darating na Biyernes, Oktubre 25 habang kumikilos patungong West Philippine Sea.