As of 10:00 a.m. ay lumakas pa bilang isang Severe Tropical Storm (STS) ang bagyong Leon na nagpapaulan sa malaking bahagi ng Luzon ngayong Lunes, Oktubre 28.
Huli itong namataan 735 kilometro mula sa silangan ng Casiguran, Aurora habang kumikilos patungong kanluran sa bilis na 20 kilometer per hour (km/h).
Taglay ng STS Leon ang lakas ng hangin na aabot sa 95 km/h at pagbugsong papalo naman sa 115 km/h.
Dahil dito, nakataas na ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 1 sa ilang lugar sa Luzon partikular na sa Batanes, Cagayan, Isabela, Ilocos Norte, Abra, Apayao, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Quirino, Aurora, at Catanduanes.
Nakatakda na ring magtaas ng Gale Warning ang Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa northern at eastern seaboards ng Northern Luzon ngayong hapon.
Sa susunod na 24 na oras ay posible pang lumakas ang Bagyong Leon sa typhoon category na may tyansa rin na maging isang super typhoon sa paglapit nito sa Batanes.
Inaasahan naman na lalabas na ng Philippine area of responsibility (PAR) ang bagyong Leon ngayong darating na Biyernes ng umaga o tanghali, Nobyembre 1. – VC