Tumama na sa kalupaan ng Dilasag sa Aurora ang mata ng Typhoon Nika na patuloy na nagpapaulan sa malaking bahagi ng Northern Luzon bandang 8:10 a.m. ngayong Lunes, Nobyembre 11.
Batay sa pinakahuling weather bulletin ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) as of 10:00 a.m. nasa San Agustin, Isabela na ang mata ng naturang bagyo na kumikilos sa direksyong Northwest sa bilis na 25 kilometers per hour (km/h).
Taglay ng bagyong ito ang lakas ng hangin na 130 km/h at pagbugsong aabot naman sa 180 km/h.
Dahil dito, nakataas na ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) Number 4 sa mas malawak na bahagi ng Northern Luzon habang nasa Signal No. 3, 2, at 1 naman ang ilan pang bahagi ng bansa.
Bagama’t inaasahan na ang paglabas ng bagyong Nika bukas ng umaga o hapon, posibleng masundan agad ito ng binabantayan na Tropical Depression na papangalanan bilang Ofel sa oras na pumasok sa PAR.
Huling namataan ang Tropical Depression sa layong 1,480 km mula sa silangan ng Eastern Visayas taglay ang hangin na may lakas na 55 km/h at pagbugsong aabot sa 70 km/h habang kumikilos sa direksyong west northwest sa bilis na 35 km/h as of 11:00 a.m.
Posible naman na mag-landfall ang bagyong ito sa Central Luzon o sa Northern Luzon ngayong darating na Huwebes ng gabi, Nobyembre 14, o sa Biyernes ng umaga, Nobyembre 15.
Patuloy din na binabantayan ng PAGASA ang isa pang Tropical Storm sa monitoring domain nito na huling namataan sa layong 3,280 km mula sa silangan ng Southeastern Luzon. – VC