Patuloy na nagbabanta ang Typhoon Pepito sa Southern Luzon at Eastern Visayas habang malapit na itong maging isang Super Typhoon batay sa 8:00 a.m. forecast ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) ngayong Sabado, Nobyembre 16.
Huling namataan ang mata ng bagyong Pepito sa layong 235 kilometro silangan ng Catarman, Northern Samar taglay ang lakas ng hangin malapit sa gitna na 175 km/h at pagbugsong umaabot hanggang 215 km/h.
Itinaas na ng PAGASA ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 3, 2 at 1 sa malaking bahagi ng Luzon, Visayas at ilang bahagi ng Mindanao.
Posibleng umabot sa Signal No. 5 ang itataas bunsod ng epekto ng Typhoon Pepito.
Inaasahang magla-landfall ang bagyong Pepito sa Catanduanes mamayang gabi o bukas ng umaga, Nobyembre 17 kung saan lalakas pa ito sa super typhoon category.
Hindi rin inaalis ang posibilidad na tumama ito sa eastern coast ng Camarines Sur, Albay, o Sorsogon, maging sa Quezon o Aurora bukas ng hapon o gabi.
Ayon sa weather bureau, inaasahang lalabas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyo sa Lunes, Nobyembre 18.
Hinihikayat ang mga apektadong lugar na maging handa at alerto sa banta ng kalamidad.