
Ipinahayag ng mga pinuno ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), kasama si Chief Minister Abdulraof Macacua at mga gobernador ng rehiyon, ang kanilang buong suporta sa kampanya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. laban sa korapsyon, partikular sa mga anomalya sa flood control project sa bansa.
Sa isang joint statement, pinuri ng BARMM leaders ang paglikha ng Independent Commission for Infrastructure (ICI), ang pag-freeze ng assets ng mga sangkot sa katiwalian, at ang direktiba ng Pangulo na maibalik ang nawawalang pondo sa gobyerno.
“The Bangsamoro government stands with President Marcos in this campaign, united in the belief that honest governance is the foundation of peace, development, and a better future for all Filipinos,” ani Chief Minister Macacua at iba pang regional leaders.
Kasama sa nagpahayag ng kanilang pagsuporta ang mga gobernador na sina Mujiv Hataman (Basilan), Mamintal “Bombit” Adiong (Lanao del Sur), Datu Tucao Mastura (Maguindanao del Norte), Datu Ali Midtimbang (Maguindanao del Sur), at Yshmael “Mang” Sali (Tawi-Tawi). –VC











