
Nilagdaan na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ngayong Huwebes, Setyembre 4, ang Republic Act (R.A.) No. 12253 o ang Enhanced Fiscal Regime for Large-Scale Metallic Mining Act na nagtatakda ng mas malinaw, patas, at responsableng sistema ng pagbubuwis sa malalaking kumpanya ng pagmimina.
Sa ilalim ng bagong batas, obligadong magbayad ng 5% royalty fee mula sa kabuuang produksyon ang mga mining company na nasa loob ng itinalagang mineral reservations ng pamahalaan.
Para naman sa mga nasa labas ng naturang lugar, ipatutupad ang margin-based royalty na nakabatay sa kita mula sa operasyon ng metallic mining.
Nakasaad din sa nasabing batas na kapag lumampas sa 30% ang profit margin ng isang kumpanya, may karagdagang buwis na ipapataw upang matiyak na patas ang bahagi ng gobyerno sa kita–na kalaunan ay mapakikinabangan ng mga komunidad at ordinaryong Pilipino.
“Sa ilalim ng batas na ito, mas magiging simple ang pamamalakad at paggamit sa pondo na mula sa pagmimina, matitiyak na may bahagi ang pamahalaan sa kita, maitataguyod ang malinaw at tapat na sistema, at maibibigay ang seguridad sa mga mamumuhunan,” paliwanag ni Pangulong Marcos Jr.
Binigyang-diin din ng Pangulo na ang repormang ito ay magtitiyak ng mas malinaw at tapat na paggamit ng pondo, mas malakas na proteksyon sa kalikasan, at higit na benepisyo para sa mga mamamayang direktang naaapektuhan ng pagmimina. –AL