
Kinilala ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ngayong Huwebes, ang mahalagang ambag ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa kaunlaran ng bansa, at tiniyak na patuloy ang suporta ng kanyang administrasyon upang mapagaan ang kanilang buhay at palakasin ang mga programang nagtataguyod sa kanilang kapakanan.
Sa ginanap na seremonya ng 2025 Bagong Bayani Awards sa Malacañan Palace, ipinaabot ni Pangulong Marcos ang taos-pusong pasasalamat sa mga migranteng manggagawa sa pagpapamalas ng diwa ng malasakit at kasipagan ng mga Pilipino sa iba’t ibang panig ng mundo, na siyang hinahangaan ng international community.
“Ngayong araw, magbibigay pugay tayo sa ating mga bagong bayani. Kinikilala ng Bagong Bayani Awards ang kakayahan, karangalan, at kabutihang loob ng mga Pilipino na sa kabila ng pang-iibang bansa, ay nagagawang ipakita ang tunay na pagka-Pilipino,” ayon kay Pangulong Marcos.
“Tuwing may kausap akong taga-ibang bansa, parating sinasabi sa akin ang husay ng mga Pilipino na nandoon sa amin. Kaya, maraming salamat sa inyong lahat pagbibigay karangalan sa ating bayan,” dagdag pa ng Pangulo.
Tiniyak ng Pangulong Marcos na magpapatuloy ang buong suporta ng pamahalaan sa mga OFW.
“Through the Department of Migrant Workers, we shall continue to elevate protection, streamline services, and ensure that every OFW is treated as the hero that they are,” diin ng Chief Executive.
Ang Bagong Bayani Awards ay itinatag noong 1983 sa pamamagitan ng Letter of Instruction No. 1320 na inilabas ng dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr., bilang pagkilala sa mga OFW na nagpapakita ng propesyonalismo, kahusayan, at dedikasyon sa kanilang trabaho.
Kinilala rin ni Pangulong Marcos ang mga sakripisyo ng mga OFW para sa kanilang pamilya at nangakong magpapatuloy ang suporta ng pamahalaan upang mapabuti ang kanilang pamumuhay.
“Hindi biro ang manirahan sa ibang bansa, makisama sa ibang lahi, at mawalay sa pamilya, ngunit patuloy pa rin ang inyong mga sakripisyo para sa inyong mga minamahal sa buhay. Kaya bilang suporta, asahan ninyo na nandito lang ang inyong pamahalaan,” ayon sa Pangulo.
Kabilang naman sa mga kasalukuyang inisyatibo ng gobyerno para sa OFWs ang:
• Digitalization ng proseso ng overseas employment gaya ng OFW Travel Pass sa eGovPH App at Online Employment Contract Verification System
• Pag-isyu ng humigit-kumulang 300,000 electronic cards mula sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para sa mas madaling access sa mga serbisyo at benepisyo ng gobyerno, at
• Pagpapabuti ng serbisyong pangkalusugan sa pamamagitan ng OFW Hospital at OWWA Botika
Samantala, sa ilalim ng AKSYON Fund, nagbibigay ang mga tanggapan ng DMW ng legal, medikal, at pinansyal na tulong sa mga OFW.
Itinatag rin ng pamahalaan ang OFW Lounge sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) upang tiyakin ang kaginhawahan ng mga bumibiyaheng OFW.
Para sa kanilang proteksyon, pinaigting ng gobyerno ang mga hakbang laban sa human trafficking.
Sinusuportahan din ng DMW ang mga programa para sa reintegration ng mga nagbabalik na OFW sa pamamagitan ng pagbibigay ng panimulang puhunan, pagsasanay sa financial literacy, at suporta sa kabuhayan.
“Lahat ng ito ay upang masiguro na hindi masasayang ang inyong pinaghirapan at maging matagumpay ang inyong pag-uwi. Kaya naman po sa inyong pag-alis at pagbalik, tandaan po ninyo na hindi kailanman kayo nag-iisa,” hayag ng Pangulo.
“Gagawin namin ang aming makakaya upang maprotektahan at masuportahan ang bawat Bagong Bayani.”
Ang mga awardee ng Bagong Bayani Award ngayong taon ay sina Engr. Romaline Dizon Isla bilang Outstanding Employee; Eva Rasgo Mapa para sa Community and Social Service; Michael Palic Conjusta para sa Culture and the Arts; Capt. Rolly Tenorio Lapinig and the 18 Filipino Crew of MV MSC Aube F para sa Heroic Act; at Camille Figueras Jesalva-Junio para sa the Susan “Toots” V. Ople Award.
Para sa Bagong Bayani Award for Successful Reintegration, ang mga awardee ay sina Elaine Vianca G. Figueroa, Ruellyn S. Ribon, at Alexander Inday Sebastian.
Bilang panghuli, si Capt. Gaudencio C. Morales ay awardee ng Bagong Bayani Award for Successful Reintegration at Capt. Gregorio S Oca Achievement Award. (PND)











