
Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang ikaapat na State of the Nation Address (SONA) na matatanggap na ng mga guro sa pampublikong paaralan ang sapat at tamang bayad para sa kanilang teaching overload at overtime simula ngayong school year.
“Ngayong school year na ito, makakatanggap na kayo ng kabayaran para sa inyong teaching overload at para sa inyong overtime,” saad ng Pangulo.
Ibinahagi rin ng punong ehekutibo ang pagtatanggal ng halos 100 na paperworks na walang kaugnayan sa pagtuturo, pagbibigay ng mga bagong laptop at pagdaragdag ng 60,000 teaching item upang matugunan ang kakulangan sa bilang ng mga guro at mabawasan ang kanilang workload.
Binigyang-diin naman ni Pangulong Marcos Jr. na hindi lang sa dami ng estudyanteng pumapasa ang sukatan ng galing ng isang guro, kundi sa dami ng mag-aaral na kanilang napapahusay at natutulungang mangarap ng mas mataas sa buhay.
Ang hakbanging ito ay bahagi ng layunin ng administrasyon na itaguyod ang dignidad, kagalingan, at kapakanan ng mga guro bilang pangunahing haligi ng edukasyon sa bansa. – VC