Itinalaga ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sina Executive Secretary Lucas Bersamin, Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, at Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella III bilang “government caretakers” habang nasa United Arab Emirates (UAE) ito para sa isang araw na working visit sa Martes, Nobyembre 26.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Secretary Cesar Chavez, ang tatlong opisyal ay bubuo ng “caretaker committee.”
Dagdag ni Sec. Chavez, layunin ng working visit ng Pangulo sa Gulf state na mas mapatatag pa ang ugnayan ng Pilipinas at UAE.
Inaasahang magkakaroon ng pagpupulong sina Pangulong Marcos Jr. at UAE President Sheikh Mohamed bin Zayed Al Nahyan sa Abu Dhabi kung saan nakatakda nilang saksihan ang paglagda ng ilang kasunduan na magpapalalim ng relasyon ng dalawang bansa.
Mas pinaikli ni Pangulong Marcos ang kanyang working trip dahil nais niyang makabalik agad upang personal na mabantayan at matutukan ang mga relief at reconstruction activities sa mga komunidad na nasalanta ng anim na sunud-sunod na bagyo nitong mga nakaraang linggo.