IBCTV13
www.ibctv13.com

Bilang ng index crime sa bansa, bumaba ngayong taon! – PNP

Divine Paguntalan
90
Views

[post_view_count]

(Photo by JM Pineda, IBC News)

Bumaba ng 12.51% ang naitatalang index crime sa bansa mula Enero hanggang Nobyembre 2024 ayon sa ulat ng Philippine National police (PNP).

Ipinaliwanag ni PNP Spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo sa isang pulong balitaan na katumbas ito ng 30,322 insidente ng index crimes, mas mababa kumpara sa 35,057 na naitala sa parehong panahon noong 2023.

Nakapaloob sa kategorya ng index crime ang murder, homicide, physical injury, rape, theft, robbery, vehicle theft at motorcycle theft.

Ayon kay Fajardo, ang pagbaba ng nasabing mga krimen ay dahil sa mas maigting na pagpapatupad ng intensified police visibility, intelligence-driven operations, community-based programs at pakikipagtulungan ng PNP sa iba pang concerned agencies ng pamahalaan.

Samantala, kasabay ng bumababang kaso ng index crime sa bansa ay nakitaan din ng 5.75% na pagbaba sa insidente ng cybercrime para sa ikatlong quarter ng taon.

Tiniyak naman ng PNP na mas paiigtingin pa ang pagbabantay ng kanilang hanay sa iba’t ibang panig ng bansa ngayong papalapit na ang holiday season at ang pinaghahandaang midterm elections sa 2025. – VC