Batay sa pinakabagong datos na inilabas ng OCTA Research, isang independent at non-partisan poll body, mas dumami pa o katumbas ng 38% ang bilang ng mga Pilipinong kinikilala ang mga sarili bilang Pro-Marcos o mga taga-suporta ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Mas mataas ito kumpara sa 36% na naitala noong ikalawang kwarter ng taon.
Lumabas din sa Q3 survey ng OCTA na patuloy bumababa ang bilang ng mga Pinoy na kinikilala ang sarili bilang Pro-Duterte o ang mga sumusuporta sa pamilya ng dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte at mga kaalyado nito.
Mula sa 16% noong nakaraang kwarter, bumaba pa ito sa 15% habang ang oposisyon naman ay lumapag sa 7%.
Isinagawa ang naturang survey mula Agosto 28-Setyembre 2 sa tulong ng 1,200 respondente sa bansa. -VC