Patuloy ang pagbuti ng kalagayan ng labor market sa Pilipinas matapos makapagtala ng malaking pagbaba sa bilang ng mga Pilipinong walang trabaho ayon sa National Economic and Development Authority (NEDA).
Batay sa pinakabagong ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA), bumaba ang unemployment rate ng bansa sa 3.2% para sa buwan ng Nobyembre 2024, mas mababa kumpara sa 3.6% na naitala sa kaparehong buwan noong 2023.
Nakitaan din ng pagbaba ang underemployment rate o bilang ng mga manggagawang naghahanap pa ng dagdag na kita o oras ng trabaho na nasa 10.8% mula sa dating 11.7%.
Ayon kay NEDA Secretary Arsenio Balisacan, kasabay ng patuloy na lumalakas na labor market sa bansa ang pagkilos ng pamahalaan upang mapalawak pa ang mga oportunidad sa negosyo at trabaho.
“Our labor market remains robust, with consistently high employment rates and reduced underemployment. The next step is to expand business and employment opportunities to enable more Filipinos to actively and productively contribute to the economy,” paliwanag ni Balisacan.
Bilang bahagi ng Philippine Development Plan 2023-2028, tinutukan ng pamahalaan ang paglikha ng mas de-kalidad na trabaho kung saan may mas mataas na sahod para sa mga Pilipino nang masiguro ang tuluy-tuloy na paglago ng ekonomiya. – VC