
Maraming nagsasabing ang heartbreak ay isang sakit na emosyonal, pero alam mo bang maaari din itong makaapekto sa pisikal na kalagayan ng iyong puso? Ang matinding emosyonal na stress mula sa heartbreak ay hindi lamang nakakaapekto sa ating damdamin kundi pati na rin sa pisikal na kalusugan ng ating puso.
Ang Broken Heart Syndrome, o Takotsubo Cardiomyopathy, ay isang kondisyon kung saan humihina ang puso dahil sa matinding stress o lungkot, na may sintomas na kahawig ng atake sa puso.
Ayon kay Dr. Juan Armado Diaz, isang cardiologist, “Dulot ito ng biglaang pagtaas ng stress hormones tulad ng adrenaline, na maaaring makaapekto sa tibok ng puso.”
Karaniwan itong nangyayari sa mga nakaranas ng matinding dagok sa buhay, tulad ng pagkawala ng mahal sa buhay o hindi natuloy na pag-ibig.
Maaaring makaranas ng paninikip ng dibdib, hirap sa paghinga, panghihina, at pakiramdam na mawawalan ng malay ang mga indibidwal na mayroong Broken Heart Syndrome. Dahil kahawig ito ng sintomas ng atake sa puso, mahalagang agad magpatingin sa doktor upang matiyak ang kalagayan.
Bagama’t madalas itong gumaling nang kusa, mas mataas ang panganib sa mga babaeng post-menopausal o may dati nang sakit sa puso. Ngunit sa tamang pangangalaga, tulad ng regular na regular exercise, balanced diet, at stress management, maiiwasan ang matinding epekto nito.
Hindi maiiwasan ang heartbreak, pero maaari nating protektahan ang ating puso, hindi lang sa emosyonal na aspeto kundi pati sa pisikal na kalusugan.
Sa tamang pangangalaga, gaya ng malusog na pamumuhay at stress management, maiiwasan ang mas malalang epekto ng Broken Heart Syndrome. Dahil sa dulo, ang tunay na pagmamahal ay nagsisimula sa pag-aalaga sa ating sariling puso.
– AL