
Itinalaga ni Pope Leo XIV si Brother Armin Altamirano Luistro, superior general ng Brothers of the Christian Schools, bilang bagong miyembro ng Dicastery for the Institutes of Consecrated Life and the Societies of Apostolic Life ng Vatican.
Ang anunsyo ay inilabas Martes, Hunyo 24, kung saan kinikilala ang mahalagang papel ni Brother Armin sa pagpapatibay ng bokasyon ng buhay relihiyoso at apostoliko sa buong Simbahang Katolika.
Kabilang si Brother Armin sa piling grupo ng mga bagong miyembro ng dicastery, kabilang ang mga kardinal, obispo, at lider ng iba’t ibang relihiyosong kongregasyon mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
Ang Dicastery na ito ay siyang nangangasiwa sa mga kongregasyong pan-relihiyon at mga apostolikong lipunan na gumaganap ng mahalagang bahagi sa misyon ng Simbahan.
Bilang isang Lasalyano at dating Kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon sa Pilipinas, si Brother Armin ay kilala sa kanyang matibay na paninindigan sa edukasyon, pananampalataya, at serbisyo sa kapwa.
Ayon sa pahayag ng De La Salle, ito ay “isang malinaw na tanda ng synodal path na tinatahak ng mga Lasalyano bilang bahagi ng Simbahan.”
Nagpaabot din ng pagbati at panalangin ang mga kapwa niya Lasalyano sa kanyang bagong misyon, na inaasahang magiging mahalagang ambag sa patuloy na pagyabong ng buhay-relihiyoso sa Simbahang Katolika. –VC