Umabot sa siyam na volcanic earthquake ang naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa nakalipas na 24 oras na pagmamanman sa Bulkang Kanlaon na matatagpuan sa Negros Island.
Nagbuga ng 6,477 tonelada ng asupre ang bulkan kasabay ng 900 metrong taas ng singaw na inilabas nito.
Maaaring makaranas ang Kanlaon ng biglaang pagputok ng steam at phreatic explosions.
Dahil dito, ipinagbabawal ang pagpasok sa apat na kilometrong radius na Permanent Danger Zone (PDZ) ng bulkan, pati na rin ang pagpapalipad ng anumang aircraft sa tuktok nito.
Sa ngayon ay nananatiling nakataas ang Alert Level 2 sa bulkang Kanlaon.
Samantala, isang phreatic eruption naman ang naitala sa bulkang Taal sa Batangas na nagbuga ng 1,256 toneladang asupre at 600 metrong taas na pagsingaw habang nananatili pa rin sa Alert Level 1.
Isang volcanic earthquake din ang naitala ng Phivolcs mula sa bulkang Mayon sa Albay na nagbuga ng 490 toneladang asupre.
Binabantayan din ang bulkang Bulusan sa Sorsogon na nagbuga ng 32 toneladang asupre sa nakalipas na araw.
Kapwa nakataas ang Alert Level 1 sa bulkang Mayon at Bulusan. – VC