Patuloy na tumataas ang mga aktibidad ng bulkang Kanlaon sa Negros Island at Taal sa Batangas, batay sa 24 oras na pagmamanman ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Mula siyam nitong Martes, umakyat pa sa 12 volcanic earthquakes ang naranasan sa bulkang Kanlaon kasabay ng paglabas nito ng 2,683 tonelada ng asupre.
Umabot naman sa 650 metrong taas, maituturing na malakas na pagsingaw, ang abo na ibinuga ng bulkan kung saan napapadpad patungong kanluran.
Posible ang biglaang pagputok ng steam o phreatic explosions sa bulkang Kanlaon kaya mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa apat na kilometrong (4 km) radius Permanent Danger Zone (PDZ) gayundin ang pagpapalipad ng anumang uri ng aircraft malapit sa tuktok ng bulkan.
Samantala, nanatili sa dalawang phreatic eruption ang naitala sa bulkang Taal na tumagal ng dalawa hanggang 14 minuto ang haba.
Bagaman walang volcanic earthquake, naglabas ito ng 2,064 tonelada ng asupre at nananatili ang upwelling ng mainit na volcanic fluids sa lawa.
Umabot din sa 900 metrong taas ang abo na ibinuga ng bulkang Taal na napadpad sa direksyong timog-kanluran.
Sa ngayon, ipinagbabawal muna ang pagpasok sa Taal Volcano Island (TVI) partikular sa Main Crater at Daang kastila fissures gayundin ang pamamalagi sa lawa ng Taal dahil sa posibleng biglaang pagkakaroon ng stream of phreatic explosions, volcanic earthquake, ashfall at pagbuga ng iba pang nakalalasong gas.
Kasunod naman ng low-level unrest kahapon, nakapagtala ng dalawang volcanic earthquakes sa bulkang Mayon at apat na volcanic earthquakes sa bulkang Bulusan sa huling monitoring ng PHIVOLCS. —VC