Muling namataan ang pagbuga ng mataas na abo sa Main Crater ng bulkang Taal bandang 7:21 a.m. ngayong Huwebes, Oktubre 10, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Isang minor phreatic eruption ang naganap sa bulkan kung saan umabot sa 2,800 metrong taas ng binugang abo na napadpad patungo sa direksyong timog-kanluran.
Batay pa sa 24 oras na pagmamanman ng PHIVOLCS, nakapagtala ang bulkan ng dalawang volcanic tremors na tumagal ng dalawang minutong haba habang nasa 2,256 tonelada ng asupre ang inilabas nito.
Sa kabila ng sunud-sunod na aktibidad, nananatili pa rin sa Alert Level 1 ang bulkang Taal.
Gayunpaman, patuloy na pinapayuhan ng mga awtoridad ang mga residente malapit sa lugar na iwasan muna ang pagpasok sa Taal Volcano Island gayundin ang pagpapalipad ng anumang uri ng aircraft malapit sa ibabaw ng bulkan. — VC