Naitala sa Taal Volcano ang isang ‘phreatomagmatic eruption’ na nagtagal ng 11 minuto, bandang 4:21 p.m. nitong Miyerkules, Oktubre 2, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
“When we say phreatomagmatic eruption, magma coming to contact with water, and nagkaroon ng steaming. Basically, yun po yung nangyari,” paliwanag ni PHIVOLCS Director Dr. Teresito Bacolcol.
Batay naman sa 24 na oras na pagmamanman ng PHIVOLCS, nakaranas din ng ‘phreatic eruption’ ang bulkan na tumagal ng isang minuto at 40 segundo.
Aabot sa 2,532 toneladang asupre ang inilabas ng Taal na may ‘upwelling’ ng mainit na volcanic fluids sa Main Crater Lake.
Bukod dito, nakitaan din ng pag singaw na may 2,400 metrong taas ang bulkan na napadpad sa direksyong hilang silangan, silangan-hilagang silangan at silangan-timog silangan.
Kasalukuyan pa ring nakasailalim sa Alert Level 1 ang bulkang Taal. – AL