
Mas pinaigting ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) ang kampanya laban sa ‘online sabong’ bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tuluyang wakasan ang iligal na operasyon nito.
Ayon kay CICC Deputy Executive Director Atty. Renato Paraiso, ang online sabong ay hindi lamang isyu ng sugal kundi bahagi ng mas malalim na problema sa organized cybercrime, financial fraud, at paggamit ng mga kahinaan sa digital system para sa iligal na gawain.
Binigyang-diin ni Paraiso na hindi total ban ang solusyon, sa halip ay mas mahigpit na regulasyon, transparency, at accountability sa mga legal na online gambling platform.
Alinsunod sa direktiba ng Pangulo, pinalakas ng CICC ang surveillance at digital forensics laban sa iba pang cybercrimes gaya ng online scams, child sexual exploitation, identity theft, at iligal na online gambling.
Nanawagan din si Paraiso sa mga mambabatas at regulator na bumuo ng balanseng legal framework na magpaparusa sa mga iligal na operator nang hindi pinipigil ang inobasyon sa digital entertainment at financial technology. –VC