Isa nang ganap na low pressure area (LPA) ang cloud clusters o kumpol ng mga ulap sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) as of 2:00 a.m. ngayong Linggo, Nobyembre 3, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
As of 8:00 a.m., huli itong namataan sa layong 1,495 kilometro silangan ng Northeastern Visayas.
Mataas na ang tsansa ng nasabing LPA na maging Tropical Depression sa susunod na 24 oras bagaman wala pa rin itong direktang epekto sa anumang bahagi ng bansa.
Hindi rin inaalis ang ang posibilidad na pumasok ito sa loob ng PAR sa susunod na 24 hanggang 48 oras.
Samantala, patuloy na umiiral ang Easterlies o hangin na nanggagaling sa Karagatang Pasipiko sa silangang bahagi ng Luzon at Visayas na siyang magdadala ng kalat-kalat na pag-ulan.
Pagsapit ng Martes, Nobyembre 5, mataas ang tsansa ng pag-ulan, pagkidlat at pagkulog sa silangan Luzon, partikular na sa mainland Cagayan Valley dulot naman ng Shearline.
Patuloy na hinihikayat ang publiko na maging alerto at handa sa posibleng pagbabago sa lagay ng panahon upang maiwasan ang anumang panganib o sakuna.