IBCTV13
www.ibctv13.com

DA, nais amyendahan ang RTL para muling bigyan ng kapangyarihan ang NFA na bumili ng bigas at mais

Hecyl Brojan
64
Views

[post_view_count]

File photo

Umapela ang Department of Agriculture (DA) sa Kongreso na amyendahan ang Rice Tariffication Law (RTL) upang maibalik at mapalawak ang direktang pagbili ng National Food Authority (NFA) sa mga palay, bigas, at mais mula sa mga lokal na magsasaka at kooperatiba.

Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., ito ay nakapaloob sa panukalang Rice Industry and Consumer Empowerment (RICE) Act bill na inihain ni House Speaker Martin Romualdez.

Aniya, mahalaga ang mais hindi lamang bilang rice substitute sa Visayas at Mindanao kundi bilang pangunahing sangkap ng feed production para sa poultry at livestock.

Batay sa datos ng National Corn Program, 46% ng feed para sa livestock at 62% sa poultry ay mula sa yellow corn, na sinasaka ng higit 1.1 milyong magsasaka sa 2.5 milyong ektarya.

Iginiit ni DA Undersecretary Roger Navarro na kritikal ang pagbili ng NFA sa palay at mais lalo na tuwing peak harvest season upang masiguro ang patas na presyo para sa mga magsasaka.

Dagdag pa ni Laurel, ang pagbili ng NFA ng bigas mula sa mga government-funded Rice Processing Systems (RPS) ay makatutulong para matiyak ang merkado at benepisyo para sa mga kooperatiba. –VC