
Pinag-aaralan ng Department of Agriculture (DA) na palawigin ang umiiral na moratorium sa pag-angkat ng mga imported na bigas ng 15 hanggang 30 araw, matapos tumaas ang presyo ng lokal na palay.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr., tumaas na ang farmgate price ng palay bago pa isakatuparan ang ban, na mula P8-P10 kada kilo, umabot pa ito sa P13-P17/kilo sa ilang rehiyon kabilang ang Mindanao, Isabela at Nueva Ecija.
Layon ng import freeze, na ipinatupad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na protektahan ang mga magsasaka sa kasagsagan ng anihan ngayong buwan ng Setyembre at Oktubre.
Muling iginiit ng DA ang suporta sa pag-amyenda ng Rice Tariffication Law (RTL) na nagpaluwag sa importasyon ng bigas noong 2019, upang maibalik ang ilang kapangyarihan ng National Food Authority (NFA) sa pag-regula ng importasyon.
Nakatakdang isumite ang pinal na rekomendasyon sa katapusan ng buwan. –VC