IBCTV13
www.ibctv13.com

DA sa NBI: Imbestigahan ang napapaulat na pagpapakamatay ng mga magsasaka bunsod umano ng mababang presyo ng palay

Divine Paguntalan
166
Views

[post_view_count]

Rice farmers. (PIA file photo)

Nanawagan ang Department of Agriculture (DA) sa National Bureau of Investigation (NBI) na tingnan ang mga kumakalat na post sa social media kaugnay sa hindi bababa sa tatlong magsasaka sa Nueva Ecija na nagbuwis umano ng sariling buhay dahil sa patuloy na pagbaba ng presyo ng palay.

Nagpahayag ng pagkabahala si Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. sa paglalarawan ng ilang grupo patungkol sa insidente habang binigyang-diin ang kahalagahan ng imbestigasyon sa naturang mga post dahil taliwas ito sa opisyal na datos ng pulisya, inisyal na imbestigasyon ng kagawaran, at sa mismong testimonya ng mga naiwanang pamilya.

Sa isang liham na ipinadala sa NBI nitong Lunes, Marso 24, hiniling ni Laurel sa ahensya ang masusing imbestigasyon at umaasang maibibigay sa publiko ang katotohanan sa likod ng mga paratang.

Hinimok naman niya ang publiko na galanganin ang pagdadalamhati ng mga naulilang kaanak.

“Hayaan natin ang mga pamilyang ito na magdalamhati sa kapayapaan. Magbibigay tayo ng anumang tulong na kinakailangan,” saad ni Laurel.

Binigyang-diin ni Laurel ang mga hamon na kinakaharap ng National Food Authority (NFA), na bumibili ng palay sa halagang P18 kada kilo para sa sariwang ani at P24 kada kilo para sa malinis at tuyo na mga butil.

Gayunpaman, sa limitadong pondo, ang NFA ay hindi makabili ng malaking bilang mula sa mga magsasaka.

Dagdag pa rito ang limitadong kapangyarihan ng ahensya na pangasiwaan ang mga imbentaryo ng bigas nang epektibo sa pamamagitan ng regular na pagbebenta sa publiko.

Iniugnay din ng DA ang pagbaba ng presyo ng lokal na palay sa pandaigdigang merkado na nakaranas ng dalawang taong mataas na presyo ng bigas dahil sa pagbabawal ng India na mag-export ng non-basmati rice noong Agosto 2023, inalis nito lamang Setyembre 2024, at pagtaas ng global demand noong nakaraang taon dahil sa inasahang kakulangan sa suplay dulot ng El Niño phenomenon.

Sa kabila ng mga hamon na ito, tiniyak ng kalihim na ginagawa ng pamahalaan ang lahat ng hakbangin upang maprotektahan ang mga kabuhayan ng mga magsasaka, habang isinasaalang-alang ang kapakanan ng mga mamimili.

“We are doing this with one hand tied behind our back. We need some of the NFA’s powers back–if not to the agency itself, then to the DA–to better address the challenges we face,” paliwanag ni Secretary Laurel.

“The NFA also needs additional resources to buy a larger volume of palay–around 20 percent of the supply–to influence market prices,” dagdag niya.

Kasabay nito ay hinimok niya ang mga mambabatas na magpasa ng batas na higit na magbibigay ng kapangyarihan sa DA na tugunan ang mga isyung tulad nito.

Bilang bahagi ng hakbang ng ahensya upang suportahan ang mga magsasaka, itinaas ng NFA ang presyo sa pagbili ng palay sa Regions I, II, at III mula P18 patungong P19 kada kilo. – VC