Tuluy-tuloy ang pamamahagi ng tulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga naapektuhan ng bagyong Kristine sa Bicol region.
Nagsimula nang mamahagi ang ahensya ng mga hot meal para sa stranded na pasahero sa iba’t ibang pantalan sa rehiyon katuwang ang Catanduanes Provincial Government.
Aabot sa 645 stranded na pasahero mula sa Tabaco Port, Albay ang nakatanggap ng mainit na almusal na nagkakahalaga ng higit P63,000.
Nakatanggap din ng mainit na pagkain ang nasa 628 pasahero mula sa Pio Duran Port o katumbas ng P17,406.60 halaga.
Higit 700 pasahero naman ang stranded sa Matnog Port sa lalawigan ng Sorsogon at nabigyan ng breakfast packs, sa pamamagitan ng local government unit (LGU) ng Matnog.
Bukod sa hot meals, tumulong naman sa pagsasaayos ng modular tents ang DSWD Municipal Action Team sa mga residenteng pansamantalang nanunuluyan sa evacuation centers ng Municipality of Jovellar.
“Following the issuance of a forced evacuation order in the province of Albay, members of the DSWD’s Municipal Action Team in Region 5 were immediately deployed to assist in setting up modular tents and profiling of displaced families in evacuation centers located in the municipality of Jovellar,” pahayag ni DSWD Disaster Response Management Group (DRMG) at Spokesperson Asst. Secretary Irene Dumlao.
Sa ngayon, nakaantabay na ang lahat ng DSWD field offices sa mga lugar na posibleng daanan ng bagyong Kristine upang makapaghatid ng agarang tulong sa mga nangangailangang komunidad. —VC