
Sentro ngayon ng mga diskusyon online ang tungkulin ng International Criminal Police Organization (INTERPOL) pagdating sa mga kasong may internasyunal na sakop.
Ngunit paano nga ba ito gumagana at ano ang kaugnayan ng INTERPOL sa International Criminal Court o ICC?
Ano ang INTERPOL?
Ang INTERPOL ay isang pandaigdigang organisasyon na nagtataguyod ng kooperasyon sa pagitan ng mga pulisya mula sa 195 kasaping mga bansa.
Ito ay may mahalagang papel sa pagpapatupad ng batas sa Pilipinas, lalo na sa mga kasong may internasyonal na saklaw.
Ang INTERPOL ay pumapasok para ipatupad ang mga arrest warrant mula sa mga internasyunal na korte, lalo na sa mga taong may mabibigat na kasong kinahaharap.
Isa sa mga pangunahing ginagamit na mekanismo ng INTERPOL ay ang color-coded notices, kung saan bawat isa ay may mahahalagang impormasyon tungkol sa mga pinaghahanap na indibidwal, banta sa seguridad, at iba pang isyu sa pagpapatupad ng batas.
Ayon sa INTERPOL, ang mga notice ay ginagamit bilang alerto sa mga bansang kasapi upang mapadali ang pagtugis, pag-aresto, o pagbibigay ng impormasyon tungkol sa isang kaso.
Red Notice – Ginagamit para abisuhan ang mga awtoridad sa iba’t ibang bansa na hanapin at pansamantalang arestuhin ang isang taong may kaso at posibleng ipa-extradite.
Yellow Notice – Tumutulong sa paghahanap ng mga nawawalang tao, lalo na ang mga menor de edad, o sa pagkilala sa mga taong hindi kayang ipresenta ang kanilang sarili.
Blue Notice – Naghahanap ng dagdag na impormasyon tungkol sa isang taong may kinalaman sa isang kaso, tulad ng kanilang lokasyon o pagkakakilanlan.
Black Notice – Para sa mga hindi pa nakikilalang bangkay, upang matukoy kung sino sila.
Green Notice – Nagbibigay ng babala tungkol sa isang tao na may criminal history at posibleng maging banta sa seguridad ng publiko.
Orange Notice – Nagpapabatid ng impormasyon tungkol sa isang tao, bagay, o pangyayari na posibleng maging banta sa kaligtasan ng publiko.
Purple Notice – Nagpapakita ng impormasyon tungkol sa mga pamamaraan o gamit na ginagamit sa kriminal na aktibidad.
Interpol-UN Security Council Special Notice – Para sa mga indibidwal o grupo na sakop ng mga parusa ng United Nations.

Paano nagkaroon ng ugnayan ang INTERPOL at ICC?
Ayon sa INTERPOL, ang ICC ay isang pandaigdigang korte na itinatag noong 2002 sa ilalim ng Rome Statute.
Layunin nitong litisin ang mga indibidwal na may kinalaman sa genocide, crimes against humanity, war crimes, at aggression.
Gayunpaman, nakasaad sa Rome Statute na may hurisdiksyon lamang ito sa mga bansang lumagda sa kasunduan.
Bagaman magkaibang organisasyon, nagkakaroon ng ugnayan ang ICC at INTERPOL pagdating sa pagtugis ng mga akusado.
Dahil walang sariling police force ang ICC, umaasa ito sa mga law enforcement agency tulad ng INTERPOL upang ipatupad ang kanilang arrest warrants.
Maaaring maglabas ang ICC ng Red Notice sa tulong ng INTERPOL upang ipaalam sa mga bansang kasapi ang tungkol sa isang taong pinaghahanap.
Ayon sa Human Rights Watch, nasa desisyon pa rin ng bawat bansa kung aarestuhin ang isang indibidwal, lalo na kung hindi kasapi ng ICC o hindi kinikilala ang hurisdiksyon nito.
Sa kaso naman ng withdrawal mula sa ICC, nakasaad sa mga ulat na mananatiling may pananagutan ang isang kumalas na bansa para sa mga krimen na ginawa habang miyembro pa nito.
Sa patuloy na pagtalakay sa papel ng INTERPOL sa usapin ng pagpapatupad ng batas sa Pilipinas at sa buong mundo, mahalagang maunawaan ang saklaw at limitasyon ng kanilang kapangyarihan sa pandaigdigang antas. – VC
