
Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang panibagong umento sa sahod ng mga empleyado ng Government-Owned and Controlled Corporations (GOCCs) bilang pagkilala sa kanilang malaking kontribusyon sa sistema ng pananalapi ng Pilipinas.
Sa pagdiriwang ng 2025 GOCCs’ Day sa Malacañang ngayong Martes, Setyembre 16, mismong ang Pangulo ang nag-anunsyo ng kanyang pagpirma sa Compensation and Position Classification System (CPCS) II na magbibigay ng dagdag-sahod sa mga kawani ng GOCCs.
Bukod sa dagdag-sahod, makatatanggap din ng tiered medical allowance ang mga nasabing empleyado ngunit nakadepende sa kakayahan ng kanilang kumpanya.
Epektibo naman ang bagong increase para sa mga korporasyong nakapagpatupad na ng CPCS I na retroactive mula Enero 1, 2025, oras na makakuha sila ng authority mula sa Governance Commission for GOCCs.
Ang naging desisyon ni Pangulong Marcos Jr. ay kasunod ng naitalang P116.8 bilyon na dividend na ni-remit ng 53 GOCCs ngayong taon hanggang Setyembre na gagamitin para pondohan ang mga programa sa edukasyon, kalusugan, imprastraktura at social protection. – VC