Iniulat ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang mapanganib na aksyon ng tatlong Chinese Coast Guard (CCG) vessels at isang People’s Liberation Army-Navy (PLAN) helicopter sa BRP Datu Pagbuaya at BRP Datu Bankaw habang naglalayag patungong Sandy Cays sa Pag-asa Island para sa marine scientific survey nitong Biyernes, Enero 24.
Ayon sa BFAR, nagsagawa ng ‘aggressive maneuvers’ ang CCG vessels 4106, 5103 at 4202 sa kanilang dalawang sasakyang pandagat na tahasang paglabag sa Convention on the International Regulations for Preventing Collisions at Sea, 1972 (COLREGs).
Bukod dito, apat na maliliit na bangka ng CCG ang nang-abala rin sa mga inflatable boats ng BFAR habang ang helicopter ng PLAN ay lumipad nang mababa na nagdulot ng malakas na hangin at panganib sa mga maliit na sasakyang pandagat ng Pilipinas.
Wala namang naiulat na nasaktan sa nasabing insidente sa tulong ng bihasang seamanship ng mga BFAR crew.
Dahil dito, napilitang itigil ng BFAR at Philippine Coast Guard (PCG) ang kanilang survey operations at hindi na nakapagkolekta ng sand samples.