
Mayor Isko Moreno Domagoso, Vice Mayor Chi Atienza, and Budget Secretary Amenah Pangandaman during the Quiapo Halal Town proposal. (Photo from Manila PIO)
Muling tiniyak ni Budget Secretary Amenah Pangandaman ang buong suporta ng DBM sa adbokasiya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa inclusive development, matapos siyang manguna sa isang pagpupulong at site visit kasama si Mayor Isko Domagoso para sa planong pagtatayo ng Halal Town project sa Maynila.
Ayon kay Secretary Pangandaman, ang proyekto ay isa sa mga pangunahing hakbang sa ilalim ng Bagong Pilipinas agenda ng administrasyon, na layuning makalikha ng trabaho, palaganapin ang pagkakaisa ng mga kultura, at pasiglahin ang turismo sa kabisera ng bansa.
“Masayang-masaya at proud tayo na magkakaroon dito sa Maynila [ng Halal Town],” ani Pangandaman, na nagsabing magiging simbolo ito ng pagkakaisa at pag-unlad.
Ibinahagi rin niya na nagpahayag ng kagustuhan ang pamahalaan ng United Arab Emirates na tumulong sa pagpapatayo ng bagong mosque sa Quiapo, na magsisilbing sentro ng Halal Town development.
“Alam n’yo po ba itong Halal project (culinary hub) is a multi-billion industry po,” sabi pa ni Pangandaman, na binigyang-diin na makatutulong ang halal economy hindi lamang sa turismo kundi pati sa pagbubukas ng maraming trabaho para sa mga taga-Maynila.
Ipinahayag din ni Secretary Pangandaman na pinag-aaralan ng DBM ang posibilidad na gamitin ang Local Government Support Fund para matulungan ang Lungsod ng Maynila sa pagpapatupad ng proyekto.
“Meron po tayong Local Government Support Fund na mina-manage ng DBM, tulong na binibigay natin sa local government units,” paliwanag niya. Dagdag pa niya, handa ang DBM na magbigay ng suporta kapag naisumite na ng pamahalaang lungsod ang detalye at costing ng proyekto.
Ang Halal Town ay nakikita bilang isang modernong lugar kung saan magkakaroon ng halal-certified food stalls, fabric shops, at maliliit na negosyo. Kasama rin dito ang smart streetlighting, cultural archways, at disenyo na sumasalamin sa Muslim-Filipino architecture.
Layunin ng proyekto na baguhin ang bahagi ng Quiapo bilang isang makulay na sentro ng kalakalan at kultura, habang pinapanatili ang makasaysayang at relihiyosong pagkakakilanlan nito.
Nagpasalamat naman si Mayor Isko Moreno sa administrasyong Marcos at sa DBM sa kanilang tuloy-tuloy na suporta. Ayon sa kanya, malaking tulong ang proyektong ito hindi lang sa mga taga-Maynila kundi pati sa mga taga-Mindanao na nagbebenta ng kanilang mga produkto sa kabisera.
“Hindi lang Maynila ang makikinabang rito pati ‘yung mga kapitbahay natin sa Mindanao,” sabi ni Mayor Moreno, na iginiit na makatutulong ang pagsasaayos ng mga lokal na negosyo para maging mas malinis, organisado, at lehitimo ang operasyon.
Ipinakita rin ni Mayor Isko kay Secretary Pangandaman ang mga paghahanda ng lungsod para sa ASEAN 2026 visit, kabilang ang mga proyektong urban renewal gaya ng Central Park at pagpapaganda ng mga heritage areas.
Ibinahagi naman ni Secretary Pangandaman na mahigit ₱78 milyon na ang nailabas ng DBM para sa Lungsod ng Maynila sa ilalim ng Green, Green, Green program upang suportahan ang pag-develop ng mga open spaces at green infrastructure.
Dagdag pa niya, ang tuloy-tuloy na pamumuhunan ng DBM sa mga lokal na proyekto ay patunay sa direktiba ni Pangulong Marcos na bumuo ng mga lungsod na inklusibo, matatag, at pangmatagalan ang kaunlaran sa ilalim ng kampanyang Bagong Pilipinas.
“Pinakita din po ni Yorme ang napag-usapan nila ni Pangulong Marcos, ‘yung ating magiging Central Park,” ani Pangandaman, na muling tiniyak ang pangako ng DBM na makipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan para maisakatuparan ang ganitong mga proyekto.
Sa pamamagitan ng mga inisyatibang tulad ng Manila Halal Town, binibigyang-diin ng DBM ang legacy ni PBBM sa pagpapalakas ng ekonomiya at pagtataguyod ng pagkakaiba-iba ng kultura — upang masiguro na ang pag-unlad ng bansa ay para sa lahat.
Tinapos ni Secretary Pangandaman sa pagsasabing sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Marcos, ang mga proyektong nakaugat sa kultura at komunidad ay magiging pundasyon ng isang tunay na inklusibo at maunlad na Pilipinas. (END)











