IBCTV13
www.ibctv13.com

DBM, naglabas ng P6.7-B para bayaran ang final balance ng mga health worker

Hecyl Brojan
84
Views

[post_view_count]

Photo from Philippine News Agency (PNA)

Naglabas ng kabuuang P6.767 bilyon ang Department of Budget and Management (DBM) para mabayaran ang pinal na balanse ng Public Health Emergency Benefits and Allowances (PHEBA) para sa mahigit 1.4 milyong claims ng health at non-healthcare workers sa bansa.

Ayon kay DBM Secretary Amenah Pangandaman, ang pagpapalabas ng pondo ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyaking matatanggap ng mga manggagawa sa sektor ng kalusugan ang benepisyo mula pa noong 2021 hanggang 2023.

Sakop ng pondo ang mga empleyado mula sa local government units, private health facilities, state universities, at iba pang institusyon sa iba’t ibang rehiyon.

Dagdag pa ng DBM, umabot na sa P121.325 bilyon ang nailabas noong 2024 para sa iba’t ibang benepisyo at allowance ng mga eligible health at non-healthcare worker, kabilang ang P27.383 bilyon para sa health emergency allowance at P70.7 milyon para sa COVID-19 compensation package.

“Muli, nakikiusap po tayo sa DOH na sana po, maipamigay na sa lalong madaling panahon itong ating latest release para sa Public Health Emergency Benefits and Allowances ng ating mga manggagawa sa health sector. Matagal na po nilang hinihintay ‘yan,” panawagan ni Sec. Pangandaman.

Ang pondo ay kinuha mula sa Strengthening Assistance for Government Infrastructure and Social Programs (SAGIP) sa ilalim ng Unprogrammed Appropriations ng 2025 General Appropriations Act. –VC