IBCTV13
www.ibctv13.com

DBM, naglabas ng P8-B pondo para sa priority projects ng higit 800 insurgency-cleared barangays

Kristel Isidro
119
Views

[post_view_count]

Photo courtesy of PIA

Para pondohan ang mga mahahalagang proyekto ng mahigit 800 insurgency-cleared barangays sa bansa, inaprubahan na ng Department of Budget and Management (DBM) ang paglalabas ng P8.08 bilyon sa ilalim ng Local Government Support Fund (LGSF) – Support to the Barangay Development Program (SBDP) para sa taong 2026.

Alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyaking makarating ang mga programa ng gobyerno kahit sa pinakamalalayong lugar at mga dating apektado ng mga kaguluhan.

Inaprubahan ni DBM Secretary Rolando U. Toledo ang Special Allotment Release Order (SARO) para sa nasabing programa nitong Martes, Marso 17.

Saklaw ng LGSF-SBDP ang mga proyektong direktang makikinabang ang mga residente, kabilang ang pagpapatayo ng farm-to-market roads, mga gusali ng paaralan, water systems, health stations, at electrification projects.
Layunin ng mga proyektong ito na mapababa ang gastos sa transportasyon, mailapit ang serbisyong pangkalusugan at edukasyon, at mapalakas ang kabuhayan sa mga komunidad.

Sa ilalim ng programa, direktang bibigyan ng pondo ang mga barangay na isinama sa Barangay Development Plans sa pamamagitan ng Retooled Community Support Program (RCSP).

Tiniyak naman ng DBM, alinsunod sa FY 2026 General Appropriations Act, ang maagang paglabas ng pondo sa unang quarter pa lamang, para agad makapagsimula ang mga lokal na pamahalaan sa implementasyon ng proyekto kapag kumpleto na ang mga dokumento.

Ang paggamit ng pondo ay nakasaad sa Local Budget Circular No. 168 upang matiyak ang transparency at maayos na pagpapatupad ng mga proyekto. – IP