Kinumpirma ng Migrant Worker Office (MWO) sa Singapore na walang overseas Filipino workers (OFWs) ang nakapila sa ‘death row’ sa nasabing bansa batay sa pinakahuling datos ng ahensya at Philippine Embassy noong Nobyembre 2024.
“We do not have death penalty cases in SG per PE and MWO data,” saad sa isang report.
Ayon sa MWO, nasa 28 OFWs ang kasalukuyang nakakulong sa Singapore kung saan karaniwan sa kanilang mga kaso ay paglabag sa Computer Misuse Act gaya ng scams, money lending at laundering.
Bukod dito, mayroon ding mga nasangkot sa pagnanakaw at paggamit ng iligal na droga.
Karamihan sa mga nabanggit na kaso ay may parusang pagkakakulong na hindi bababa sa dalawang (2) taon.
Tiniyak naman ng ahensya na nagsasagawa ito ng buwanang dalaw sa mga Pinoy.
“We have monthly visits po. The last one was last 20th of November,” saad sa report.
“Fortunately, very good naman relationship natin with the Singaporean Police Force,” dagdag nito.
Nitong Biyernes, Nobyembre 29, isang 35-anyos na Singaporean-Iranian ang binitay dahil sa kasong drug trafficking.
Ito na ang pang-apat (4) na binitay sa loob lamang ng isang buwan sa nasabing bansa.