Nanawagan ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) para sa mas matibay na pakikipagtulungan at kooperasyon sa mga local government units (LGUs) upang subaybayan ang mga mining operation sa kani-kanilang sakop na lugar.
Inamin ni DENR Assistant Secretary Rochelle Gamboa na limitado lamang ang kanilang manpower kung kaya’t hindi nila masusubaybayan ang bawat mining site sa bansa.
“Ang LGU kailangan ho ang cooperation nila and pati na rin po sa public at sa media, kailangan pong mai-report ang mga ito para po ma-imbestigahan ng DENR kasi ho limitado lang iyong personnel ng DENR,” saad ni Gamboa sa isang news forum nitong Sabado, Oktubre 19.
Ito ay kasunod ng pagkakahuli sa mga dayuhang minero na nagsasagawa ng iligal na operasyon sa Paracale, Camarines Norte kamakailan.
Ayon sa opisyal, nakikipagtulungan na ang DENR sa mga awtoridad upang matukoy ang mga isasampang kaso laban sa mga nahuling illegal mining operators.
Tinitingnan din ng ahensya ang pagpapataw ng karagdagang mining permit upang matiyak at masuri ang ‘environmental compliance’ ng bawat mag-a-apply sa tulong ng mga lokal na pamahalaan. -VC