Ipinanawagan ni Senator Raffy Tulfo ang deployment ban o pagbabawal ng pagpapadala sa mga Filipino household worker na unang beses pa lamang na magtatrabaho sa Kuwait dahil sa dumaraming kaso ng pang-aabuso sa naturang bansa.
Sa kamakailang pagdinig ng Senate Committee on Migrant Workers, hinimok ng senador ang Department of Migrant Workers (DMW) at Department of Foreign Affairs (DFA) na irekumenda ang ban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos ang sunud-sunod na insidente ng pagkamatay ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Kuwait.
“Dapat huwag nang mangyari, walang namamatay. Hindi ko na kailangan ng kanilang swift justice,” pagbibigay-diin ni Tulfo.
Nilinaw naman niya na ang mungkahing ban ay hindi sumasaklaw sa household workers na may existing contract na doon at babalik lamang mula sa bakasyon sa Pilipinas.
Nagpahayag naman ng “cautious support” si DFA Undersecretary Eduardo De Vega at binanggit na maaaring gamitin ang ban bilang leverage para mapabuti ang proteksyon ng mga OFW.
Bagaman posible aniya ito, maaari rin makaapekto ang hakbang sa diplomatic relations gaya ng nangyari noong 2023 nang ipatupad ang pansamantalang deployment ban bunsod ng brutal na pagpaslang sa OFW na si Jullebee Ranara.
Kaugnay nito, humingi nama ng palugit si DMW Secretary Hans Leo Cacdac para pag-aralan ang posibleng epekto ng naturang ban.
Sa kasalukuyan, tinatayang nasa 268,000 Pilipino ang nagtatrabaho sa Kuwait at karamihan sa kanila ay domestic helpers. – AL