
Pinarangalan ang dalawang digital platforms na eGovPH Super App at eGovDX ng Department of Information and Communications Technology (DICT) sa 2025 GovMedia Awards sa Singapore.
Ito ay bilang pagkilala sa patuloy na modernisasyon ng serbisyo publiko sa ilalim ng administrasyong Marcos.
Giit ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ang digitalisasyon ay “a critical weapon against inefficiency, corruption, and red tape” at susi sa mas mabilis na pagpaplano, mas tiyak na datos, at mas mahusay na koordinasyon ng pamahalaan.
Ang eGovPH Super App ay nagsisilbing one-stop platform para sa mga serbisyong gaya ng ID access, travel, health, at public safety.
Sa ngayon, mayroon na itong mahigit 12 milyon na users at 130 milyong transaksyon.
Samantala, ang eGovDX (E-Government Data Exchange Platform) ay naka-integrate sa mahigit 1,000 government services at may naprosesong higit 500 milyong transaksyon.
Ayon kay DICT Usec. David Almirol Jr., layunin ng mga digital tool na ito na isulong ang mas mabilis, walang pila, at mas transparent na serbisyo.
“The recognition abroad is a reminder that we’re heading in the right direction. But the real reward is when citizens stop lining up at 4 a.m., when the services they need come straight to their phones, and when they feel—truly feel—that their government is working for them,” saad niya.
Sa likod ng inisyatibong ito ay ang National ID System na ngayon ay binubuo na ng 87% ng populasyon, isang mahalagang bahagi para sa beripikasyon ng pagkakakilanlan ng bawat Pilipino at mas ligtas na serbisyo.
Habang patuloy na lumalawak ang gamit ng mga digital platform, hinihikayat ng DICT ang lahat ng ahensya na makiisa sa digital ecosystem upang mas mapabuti pa ang serbisyo para sa mamamayan sa araw-araw. –VC