
Nanawagan ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa lahat ng Local Government Units (LGUs) na paigtingin ang paghahanda at mga hakbang sa pag-iwas sa pinsala habang papalapit ang Severe Tropical Storm (STS) Opong, na inaasahang tatama sa mga rehiyong sinalanta kamakailan ng Super Typhoon Nando.
Sa inilabas na abiso ng DILG, posibleng tumagal ang masamang panahon sa Metro Manila, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, at Western Visayas kung saan lubhang naapektuhan din ng nakaraang bagyo.
Inatasan na ng ahensya ang mga lokal na pamahalaan na agad i-activate ang kanilang Disaster Risk Reduction and Management Councils (DRRMCs), magsagawa ng pre-disaster risk assessment, at magpatupad ng mga hakbang sa ilalim ng kanilang advocacy program na ‘Operation Listo’ protocol, hanggang barangay level.
Kabilang dito ang pag-preposition ng suplay at kagamitan, pagpapatupad ng preemptive o mandatory evacuation, paglilinis at pag-declog ng drainage systems, pag-inspeksyon ng mga kritikal na imprastraktura, at pagtitiyak na handa ang mga evacuation center.
Batay sa pinakahuling ulat ng PAGASA as of 11:00 a.m., inaasahang magla-landfall si Opong sa Bicol Region hapon ng Biyernes, Setyembre 26 at tatawid ng Southern Luzon hanggang umaga ng Sabado, Setyembre 27. –VC