Ipinag-utos ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Juanito Victor Remulla sa Police Regional Office-Central Luzon (PRO-3) na mas paigtingin ang pagsugpo sa mga private armed groups (PAGs) bago ang 2025 Local and National Elections.
Ito ay kasunod ng kanyang command visit sa PRO-3 headquarters sa Camp Olivas sa San Fernando City, Pampanga nitong Biyernes, Oktubre 18.
“We must ensure that our communities remain safe and secure, free from the influence of these lawless elements,” saad ni Remulla.
Binigyang-diin ng kalihim na dapat tiyakin ng kapulisan ang kaligtasan ng mga kandidato lalo sa papalapit na eleksyon.
“No. 1 safety ng lahat ng kandidato at lahat ng tao for 2025. Ang instructions ko ay impartial, walang kakampihan ang police force sa darating na halalan,” paglilinaw nito.
Umaasa si Secretary Remulla na mabubuwag ng PRO3 ang lahat ng pribado at armadong grupo sa Central Luzon pagsapit ng Marso.