Ikinadismaya ni Senate Committee on Public Services Chairman, Senator Raffy Tulfo na may mga drivers at operators ang sumasalo ng diskwento ng kanilang pasahero sa Transport Network Vehicle Service (TNVS).
Kasunod ito ng mga reklamo na may mga drayber ng TNVS ang hindi tumatanggap at umiiwas ng discounted bookings sa kadahilanang nabibigatan sila sa pasanin.
Apektado naman sa hindi patas at maayos na pagpapatupad nito ang mga senior citizen, estudyante at persons with disabilities (PWDs).
“I found out one of the reasons kung bakit tinatanggihan madalas yung mga discounted passengers is yung discount kinakaltas sa driver na dapat para sakin kinakarga yan sa kumpanya,” pahayag ni Tulfo.
Sa kasalukuyan, ang mga kumpanya gaya ng Joyride at Angkas pa lamang ang sumasagot ng 80% discount habang sa Grab ay 40% ang sagot ng kumpanya at 60% ang sinasalo ng TNVS operators at drivers.
Dahil dito, iminungkahi ni Senator Tulfo na dapat kumpanya mismo ang sumagot ng buong discount.
Sinang-ayunan naman ito ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na nangakong maglalabas ng memorandum circular para matugunan ang isyu.
“All of the discounts will now be shouldered by the TNVS so for example si Grab and ‘yung may ari ng sasakyan, dapat walang shino-shoulder si driver,” saad ni LTFRB Chair Teofilo Guadiz III.
Tiniyak naman ng ahensya na tinatapos na nila ang nasabing memorandum at target na maipasa bago matapos ang Enero. – DP/VC