
Itinalaga ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. si Dita Angara-Mathay bilang bagong kalihim ng Department of Tourism (DOT), ayon sa opisyal na anunsyo ng Malacañang.
Si Angara-Mathay ay isang beteranang lingkod-bayan na may ilan nang dekadang karanasan sa larangan ng kalakalan, pamumuhunan, at ugnayang pang-ekonomiya sa pandaigdigang antas.
Bago ang kanyang pagkakatalaga, nagsilbi siya bilang Commercial Counselor sa Philippine Trade and Investment Center (PTIC) sa Tokyo, Japan.
Sa kanyang panunungkulan sa naturang bansa, pinangunahan niya ang pagpapatibay ng mga strategic partnership sa Japanese industries, na pangunahing pinagmumulan ng pamumuhunan, teknolohiya, at turismo para sa Pilipinas.
Ayon sa Malacañang, ang pagkakatalaga ni Angara-Mathay ay bahagi ng hakbang ng administrasyon upang ituring ang turismo hindi lamang bilang pagpapakita ng kultura, kundi bilang mahalagang tagapagtaguyod ng trabaho, negosyo, at maging regional development.
Kabilang pa sa sinuportahan ni Angay-Mathay sa kanyang nadaang karera ang pag-unlad ng mga negosyo, pagpapalakas ng mga industriya, at pagpapalawak ng oportunidad para sa mga Pilipinong negosyante lalo na ang micro, small, and medium enterprises (MSMEs).
Hangad ng administrasyon na sa ilalim ng kanyang pamumuno ay higit pang mapapalakas ang ugnayan ng turismo sa paglago ng ekonomiya, kasabay ng pagtitiyak na mararamdaman sa iba’t ibang rehiyon ang benepisyo ng sektor ng turismo. – MP











