IBCTV13
www.ibctv13.com

Dizon, ipinag-utos ang agarang pagkumpleto sa flood control structures sa Navotas

Hecyl Brojan
214
Views

[post_view_count]

DPWH Secretary Vince Dizon personally inspected the flood gate at the coastal dike in Navotas City today, November 10. (Photo from DPWH)

Ipinag-utos na ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon ang agarang pagkukumpleto at dredging sa coastal dike at flood gate sa Navotas City matapos matukoy ang mga sira at puwang sa dike sa isinagawang inspeksyon ngayong Lunes, Nobyembre 10.

 

Ayon kay Dizon, ilan sa pinsala ay mula pa sa insidente ng barkong sumadsad sa dike kung saan noon pa nangakong aayusin ng shipowner ngunit hindi pa rin natutupad hanggang ngayon.

 

Nakatakdang kasuhan ng kalihim ang kumpanya at idudulog kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagpopondo para sa agarang rehabilitasyon ng proyekto.

 

Ayon kay Navotas City Representative Toby Tiangco, mula taong 2011 pa sinisikap ng lokal na pamahalaan na tapusin ang nasabing flood control structure.

 

Kasabay ng inspeksyon, siniyasat din ng kalihim ang Navotas Navigational Flood Gate na isinara kagabi dahil sa pag-apaw bunsod ng mataas na tubig at storm surge.

 

Inanunsyo naman ni Dizon na personal na bibisita si Pangulong Marcos Jr. sa lungsod upang masuri ang sitwasyon at progreso ng mga inisyatiba ng pamahalaan para sa kaligtasan ng komunidad. (Ulat mula kay Earl Tobias) –VC