IBCTV13
www.ibctv13.com

Dizon: Malapit nang may managot sa mga sangkot sa kontrobersya ng flood control projects

Veronica Corral
94
Views

[post_view_count]

DPWH Secretary Vince Dizon accompanied President Ferdinand R. Marcos Jr. in an inspection of a flood control project in Bulacan. (Photo from PCO)

Kumpiyansa si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na may mga indibidwal ng mapapanagot kaugnay sa maanomalyang flood control projects sa bansa sa mga susunod na linggo o buwan.

“Makikita na natin [ang] mga unang tao na makukulong na sabi ko nga, tingin ko [ay] marami-rami [ang] magpapasko sa kulungan in the next few weeks [or] months,” ani Dizon sa isang media interview.

Ayon sa kalihim, hindi tumitigil ang DPWH sa pagsasampa ng kaso sa Office of the Ombudsman laban sa mga tiwaling opisyal kung saan 26 DPWH personnel at anim na kontratista, kasama ang pagmamay-ari ng Discaya, SYMS Construction Trading, at Wawao Builders, sa mga nauna nang nasampulan.

Samantala, bilang pagsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., magpapatupad na rin ang DPWH ng malawakang reporma laban sa overpricing ng materyales sa mga proyekto ng gobyerno.

Ibig sabihin, ibabatay na ng ahensya sa market price ang mga bibilhing materyales sa mga gagawing proyekto.

Ito ay matapos lumabas sa imbestigasyon ng DPWH na sobra-sobra ang gastos sa mga materyales na hanggang 50 percent ang itinataas.

“Alam natin [na] hindi ‘yan [ang] presyo sa merkado. Mas mataas presyo dito kaysa sa mekado [kaya] ‘yan ang isa sa pinanggalingan ng pagnanakaw [ng] pera ng mga kababayan natin,” paliwanag ni Dizon.

Sa pamamagitan nito, P60 billion ang inaasahang matitipid ng ahensya sa kanilang pondo na katumbas ng karagdagang 1,600 kilometer na sementadong kalye at 1,000 kilometer aspaltadong lansangan.

Tiniyak naman ng kalihim na kahit mura ang mga materyales na gagamitin, magiging dekalidad pa rin ang paggawa sa proyekto. (Ulat mula kay Patricia Lopez)

Related Articles