Tiniyak ng Department of Migrant Workers (DMW) na patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa Department of Foreign Affairs (DFA) para sa repatriation ng mga overseas Filipino workers (OFWs) na naipit sa lumalalang tensyon sa Lebanon.
Ayon sa Migrant Workers Office (MWO) sa Beirut, ligtas ang 63 OFWs sa Dahieh kasunod ng nangyaring pambobomba sa lugar kamakailan kung saan inilipat na ang mga apektadong Pinoy sa isang hotel sa Beit Mery, Lebanon.
Dahil sa mga naganap na pagsabog, kinansela na muna ang pagbabalik-bansa ng 15 OFWs na uuwi dapat ng Pilipinas nitong Setyembre 25.
Inilipat ang repatriation ng tatlong indibidwal sa nasabing batch sa Oktubre 11 habang ang natitirang 12 OFWs naman ay sasabay sa 17 Pinoy na nakatakdang umuwi sa bansa sa Oktubre 22.
Kasalukuyan ding inaasikaso ng MWO-Beirut ang repatriation ng karagdagang 63 OFWs na may kumpletong documentation at clearance.
Ayon sa DMW, may matatanggap na financial assistance mula sa DMW AKSYON Fund at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang mga magbabalik-bansang Pilipino mula Lebanon alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sa ngayon, nasa 430 OFWs at 28 dependents na ang na-repatriate sa pamamagitan ng pinagsamang pagtutulungan ng DFA, DMW, at OWWA.