IBCTV13
www.ibctv13.com

DOE: Pagtitipid ng kuryente, hindi lang tuwing Earth Hour, dapat araw-araw!

Hecyl Brojan
162
Views

[post_view_count]

File photo from canva

Taun-taon, ginugunita ng iba’t ibang bansa ang Earth Hour bilang isang pandaigdigang kampanya kung saan hinihikayat ang lahat na makiisa sa pamamagitan ng pagtitipid o hindi pagkonsumo ng elektrisidad sa loob ng isang oras bilang paraan ng pangangalaga sa kalikasan.

Ang Earth Hour 2025 ay isasagawa sa darating na Marso 22, mula 6:30 p.m hanggang 9:30 p.m., at may temang “Switch Off and Secure Water for All” na nagbibigay-diin sa koneksyon ng enerhiya at tubig.

Nagsimula sa Sydney noong 2007, ang taunang kampanya ay kalauna’y naging bahagi na ng selebrasyon sa buong mundo.

Sa Pilipinas, aktibong sinusuportahan ito ng publiko kung saan noong 2019, naitala ng bansa ang pinakamalaking pagtipid sa enerhiya na umabot sa 195.34 megawatts (MW) sa loob lamang ng isang oras.

Ayon sa Department of Energy (DOE), ang simpleng pagtitipid sa kuryente ay may malaking epekto sa pangangalaga sa tubig, dahil bawat kilowatt-hour na ginagamit ay nangangailangan ng tubig sa iba’t ibang proseso, tulad ng pagpapalamig sa mga planta ng kuryente at pagpapatakbo ng hydropower systems.

“Using energy judiciously is not just about reducing consumption; it’s about preserving life itself,” paliwanag ni Energy Secretary Raphael P.M. Lotilla.

Hinihikayat ngayon ng DOE ang publiko na isama sa pang-araw-araw na gawain ang pagtitipid ng kuryente, tulad ng paggamit ng LED bulbs at inverter appliances, at ang pagbawas sa paggamit ng mga hindi kailangang ilaw at kagamitan lalo na tuwing peak hours (11 a.m. – 3 p.m sa weekdays at 6 p.m. – 9 p.m. sa weekends).

Dagdag ni Lotilla, “Through small but consistent actions, individuals, businesses, and communities can make a significant impact on energy and water conservation, enhancing climate resilience and promoting a more sustainable way of life.”

Patuloy na isinusulong ng gobyerno ang mas matibay at sustainable na sistema ng enerhiya sa pamamagitan ng makabagong polisiya at teknolohiya.

Habang papalapit ang Earth Hour 2025, hinihikayat ng DOE ang lahat na makibahagi at kumilos para labanan ang climate change at mapangalagaan ang kinabukasan ng susunod na henerasyon.

Related Articles

Feature

Hecyl Brojan

272
Views

Feature

Hecyl Brojan

1289
Views