IBCTV13
www.ibctv13.com

DOF: France, hindi South Korea, ang posibleng magpondo sa P28-B Rural Modular Bridge Project

Divine Paguntalan
91
Views

[post_view_count]

Nilinaw ng Department of Finance (DOF) na ang P28-bilyong Rural Modular Bridge Project ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ay nakatakdang pondohan ng France at hindi ng South Korea, taliwas sa mga napaulat.

Ayon sa DOF, bahagi ng karaniwang proseso ng pamahalaan ang pagtingin sa iba’t ibang development partners para sa mga malalaking proyekto.

Una umanong isinaalang-alang ang South Korea para magpondo sana ng naturang proyekto ngunit pinatigil ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang usapan noong nakaraang taon matapos hindi magkasundo sa sakop nito gayundin sa ilang mahahalagang teknikal na detalye.

Sa huling bahagi noong 2024, nagpasya na ang gobyerno na maghanap ng ibang bilateral partner na kayang tugunan ang buong saklaw ng proyekto.

“The government is now in advanced negotiations with the French Government to finalize the project’s technical and financial terms,” pahayag ng DOF.

Nilalayon ng Rural Modular Bridge Project na magtayo ng mga tulay sa iba’t ibang probinsya sa bansa upang mapadali ang transportasyon, lalo na sa mga liblib na lugar na mahirap ang pagbiyahe. – VC