Isang aso ang na-rescue mula sa notoryus na dog meat trade sa San Juan, Ilocos Sur matapos ang pinagsamang operasyon ng non-government organization (NGO) na Animal Kingdom Foundation (AKF) at Soi Dog Foundation katuwang ang Ilocos Sur Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Nitong Nobyembre 7, tuluyang naaresto ang suspek sa likod ng bentahan ng aso sa Brgy. Lira sa San Juan, Ilocos Sur matapos ang tatlong taon na paghahabol sa kanya.
Nakasako at nakatali pa ng alambre ang bibig pati mga paa ng tanging aso na nailigtas mula sa iligal na dog meat trade kung saan na-recover din ang 22 plastic bag ng mga luto nang laman ng aso.
Ayon sa AKF, pinangalanan nila ang aso bilang si Juana. Natagpuan siya na tila ‘traumatized’ kaya naman agad itong ipinadala sa kanilang Rescue and Rehabilitation Center sa Capas, Tarlac.
Ang suspek naman ay dinala sa CIDG para sa documentation. Nahaharap ito sa kasong paglabag sa Republic Act (R.A.) 8485 na kaugnay ng Animal Welfare Act of 2017 at Anti Rabies Act of 2017.
Patuloy naman ang pagpapagaling ni Juana mula sa kondisyon nito matapos ma-diagnose na mayroong external parasites, anemia, low platelet count, at mga sugat mula sa karahasang pinagdaanan nito.
Isa ang AKF sa katuwang ng Philippine National Police (PNP), Bureau of Animal Industry – Animal Welfare Division (BAI – AWD), at ng National Meat Inspection Service (NMIS) sa paglaban sa animal cruelty, partikular na sa dog meat trade. – VC